Makinang Humihinga
Likha ni Hans Emmanuel Fabroa |
Isinulat ni Hans Emmanuel Fabroa
Maagang kinamada ang kahabaan ng kalsada
Para sa baryang ilang ulit nilikom at pinasa
Mula sa malinis hanggang sa makalyong kamay
Nawa’y pamasahe mo ay pang-aral sa panganay
Katirikan ng araw hanggang kadiliman ng gabi
Ilang ulit kong naririnig ang pagpara sa tabi
Bakit ni hindi ko magawang humalina sa hapag
Kasama ng asawa na nangungulila sa kabiyak
Bigyan mo man sana ako ng dagdag na pamasahe
Kasi kulang-kulang na pati ang tulog ko parati
Hindi naman araw-araw may bwenas sa salapi
Ang ilan nauuwi sa krudo at kota nababawi
Ano pa nga ba ang magagawa kung hindi umatungal
Sa gobyernong may tainga pero hindi mapakinggan
Aawayin ka pa ng lipunan, babansagang abala
Sa bawat tigil pasada, ipinaglalaban ang kapuwa
Kung sabagay, parang ‘di tao ang tingin sa akin ng iba
Ang silinyador at preno ay nakabigkis na sa aking mga paa
Ang mga kamay ko ay parte na ng kambyo at manibela
Ang mga mata’y nasa salamin, sumisipat ng mailalaman
Ang bibig ko ay tikom ngunit ang kalsada ay ilang ulit kinabisa
Ang kaluluwa ko ay nakasandal sa lubog at sira-sirang upuan
Ang tubig ko sa tabi ay hindi sa sarili bagkus sa nauuhaw na makina
Ang utak ko ay parating nakasalang sa pagbibilang ng pera
At ang ulirat ko ay parating naka-abang sa pagtatapos ng pasada
Isa akong dyip na humihinga. Sa paglipas ng buhay ang kulay at kalawang ay napapalitan. Ang tao at laman ay napapalitan. Ang kalsada at pasahe ay napapalitan. Pero ang mga pangarap at pag-asa na nahatid nito ay nabubuo– parang isang usok sa tambutsong hinihinga ng nagmamaneho.