Isang Libong Ako at Isang Botelyang Tubig

Likha ni Hans Emmanuel Fabroa

Isinulat ni Hans Emmanuel Fabroa


Sino ba ako? Tanong sa aking diwa nang hinarap ko ang salamin hawak ang digicam para pumitik. 

*click* 

Sa mata ni mama, isa akong beterinaryo. Lapitin daw kasi ako ng mga hayop kaya bagay na bagay ako rito. Sa probinsya, nababagay ako para alagaan ang mga aso dahil sa pagiging malapitin ko sa kanila. Pwede rin ang mga inaalagaang baka at kabayo ng mga kamag-anak sa bundok para makatipid sa pagamutan.  Malaking ginhawa kasi kung tutuusin kung kadugo mo ang naggagamot dahil maaaring matawaran. Kung hindi naman ‘yan, pwede rin namang doktor. Taga-suri sa karamdaman, taga-riseta ng gamot na may halong tawaran. Tipong maalagaan ko sila nang husto hanggang sa pagtanda. Maunawain daw kasi ako lalong lalo na sa matatanda kaya bagay daw ang pagiging doktor sa taong may mahabang pasensya.

Sa mata ni papa, isa akong inhinyero. Hindi siya nakaguhit ng alaala sa aking pagkabata pero may ninanais siya sa akin noon pa man sa aking pagtanda. ‘Di siya nakapagtapos ng hayskul kahit likas sa kaniya ang tiyaga at sipag sa pagguhit at pagburda. Pansin kong mahilig si papa gumuhit ng mga bahay-bahay at siguro ay ninais niya rin na gumuhit ng bahay sa sarili niyang disenyo. Sa kasamaang palad, hindi naman ako kagalingan pero alam kong sa mga mata niya na gusto niyang tuparin ko ang mga bagay na hindi na niya nagawang matupad. Katerno ng kapatid ko na nakapagtapos ng arkitektura, pwede kaming magpares sa mga gawain bilang magkapatid lalong lalo na sa pagtatayo ng pangarap nilang disenyo sa bahay.

Kay kuya? Ewan, naguguluhan pa rin siya sa kung ano ako pagtanda. Noong nalaman niya ang kurso ko, napatanong siya ng “ano ulit ‘yun” at paulit-ulit ko itong inuumpisahan sa t’wing tinatanong niya ako. ‘Di ko rin alam kung interesado siyang pag-usapan ang mga usapin ko batay sa pinta ng mukha niyang naguguluhan sa bigat at pagkakomplika ng mga paliwanag. Kaya nga bumubuntot ang usaping para sa sarili niya at ang mga hirap sa pag-aaral ng arkitektura para mag-iba ang timpla ng pangangamusta.

Sa mata ni tita at ng iba pang kamaganak, isa akong abogado, senador, kongresista, o kung ano mang pulitiko ang nasa isip nila. Parati kasi akong nakapuruntong noong bata at nasanay sila sa mabilog kong mukha at matabang ngiti na animo’y paanyaya ng isang bigating pulitiko kapag sumasapit ang eleksyon. Ang bawat nakatatanda ay naaabutan ko ng kamay at pinagmamanuhan. Ang mahinhin ngunit mabigat kong punto ng tagalog siguro ang nagdala sa akin mula sa mga isipin na bagay akong magsalita sa harap at magkaroon ng posisyon sa gobyerno.

Sa mata ng kasintahan ko at iba pang malapit na kaibigan at kakilala, isa akong mapagmalasakit, butihing kaibigan, manunulat, tagapayo, tagapakinig, at iba pa. Malimit nila akong takbuhan ng problema at mga payo sa iba’t ibang dimensyon ng buhay. Mapa-pera, pag-ibig, pulitika, pamilya, pag-aaral, at kung anu-ano pang bagay ay parati akong may salita. Nakatapak na ako sa iba’t ibang persona at nasuot ko na rin ang samu’t saring mga sapatos ng mga kakilala at gayon na laman ang aking kaalaman kung paano magmalasakit at maging sandigan sa panahong walang-wala sila. Kaya sa mga naibigay ko ay ni-minsan na nila akong pinilit na magsulat. Kung pinagsama ko raw ang lahat-lahat, ay naku malamang nakapaglimbag na ako. Binabanatan ko na lang sila ng ngiti sabay sabing, “abangan mo ‘yan” pero walang kasiguraduhan sa aking katuparan. 

*click* Pumitik muli akong ng litrato dahil malabo at madilim ang pagkakakuha. Ngayon kinalikot ko ang settings para umayon ang timpla ng litrato sa aking pagkakagusto. Humarap ulit ako sa salamin at pumitik.

Naalala ko noong pandemya, di-magkandamayaw ang mga nararamdaman ko noong nalaman kong nakapasok ako sa UST. Matapos ang napakahirap na pagsusulit at napakahabang paghihintay, sa wakas nakita ko na ang resulta. Sa puntong iyon, hati ang aking kalooban kung itutuloy ko ba ito kahit na wala akong kakilala o susunod sa bugso ng mga kaibigan ng PUP. Lahat kasi ng kakilala ko, hindi nakaabot ng cut-off kaya bilib sila sa akin noong sinabi ko na nakapasa ako. Nagbago ang pananaw sa isang simpleng tanong.

“Ano ba ang kinuha mo?”

“Ahh Asian Studies pre”

“Ano yun?”

Sa totoo lang, hindi ko rin alam.

Nawala ang mga kinang sa mata at napalitan ng pagdududa. Para bang nawala ang lahat ng interes sa kanilang mga mata.

“Wala namang cut-off diyan eh.”

“Baka naman kaunti lang ang enrollees dyan kaya nakapasa ka.”

“Di naman siguro kataasan ang passing rate d’yan kumpara sa nursing, psych, o kaya engineer.”

Binati pa rin nila ako bilang panghuling pangungusap na may tonong pagka-unsiyami sa aking munting pagkapanalo. Sa paningin siguro nila, champion na ako kung papasa ako sa mga in-demand na kurso gaya ng engineering sa dami ng mga naghahangad makapasok sa magarbong reputasyon ng unibersidad. Hindi ko alam kung dapat ko bang tanghalin na pagkawagi ito noong oras na iyon o humiling na sana nakapasok din sila para maramdaman ang ginhawang nararamdaman ko.

Ganoon din sa paningin nina mama at papa. Masaya silang nakapasok ako pero hindi maipinta ang mukha nila noong nalaman nila ang kukunin ko. Nagmungkahi pa sila ng mas kilala at mas kapaki-pakinabang na kurso para sa kolehiyo. Sa paningin nila, walang pera dito. Hindi maintindihan. Puro salita. Puro basa na patungong abogasya lang din naman. Tinanong nila ako kung ano ang kukunin kong propesyon pagkatapos. Wala rin akong maibigay na malinaw na sagot sa tanong kung hindi isang kilalang trabaho na tumutumbas sa kursong iyon.

Ambassador ma. ‘Yong mga nasa embassy o kaya mga foreign officer na nasa airport. Pwede ring titser o kung ano pa.” Wala sa mga ito ang hilig ko pero binigyan ko ng kaunting buhay ang pananaw ng mga magulang ko pagdating sa mga adhikain na inilatag ko. Nabuhayan sila ng loob sa mataas na kitang maaari nitong ibigay at maaari ko pang isabay sa pag-abogasya katulad na lang ng mga ikinumpara nila.

Sa totoo lang, kahit anong pihit ng lente, hindi ko mabigyang linaw ang tunay na imahe ng hinaharap. Wala akong maiharap sa kanila kundi isang tagapangalaga sa ibang bansa o kaya naman isang nagtuturo sa paaralan. Doon lang umiikot ang sagot sa walang katapusang tanong kung ano ba talaga ang kinuha ko at kung saan ako pupulutin nito. Pero ang totoong tanong ay naipon at patuloy na itinanim sa isipan ko.

Pinunasan ko ang lente, muling nilinis ang salamin. Inayos ang mga ilaw, at tumindig nang maayos. Kahit nanginginig ang mga braso, namamanas na sa paulit-ulit na pitik ng digicam, huminga ako nang malalim. At pumitik akong muli sa harapan ng salamin.

Ilang taon sa kolehiyo, napakaraming basahin at sulatin. Maraming mga komplikadong aralin at mga bagay na nais talakayin. Naunawaan kong mas malaki pa ang mundo sa mundong iniisip ko. Na ang bawat salitang namumutawi sa bawat pahayag na ihinahayag ng nagsusulat ay lumilikha ng mas malinaw at mas maginhawang mundo para sa kalahatan. At dahil dito, binalikan ko kung saan ako nagmula. Mula sa pagbabasa ng mga libro ni Bob Ong. Pagkaantig sa kahusayan ng pagsulat sa aking kaibigang propesor. Mula sa isang daang tula na pinilit kong gawin hanggang sa pagbuo ng mga kanta para sa binuo naming banda noon. Naalala ko na ang bawat salitang paulit-ulit kong sinusulat sa mga pader, papel, selpon, laptop, at iba pa ay bubuo ng pagkataong aalalahanin ko ngayon.

Sa kasalukuyan, muli akong bumalik kung saan ako masaya. Naglalathala ng mga sulatin para sa sarili. Mga maikling kwento na nilikha ko sa apat na sulok ng pader. Mga tula na nagpapahayag ng totoo kong nararamdaman. Rap mula sa mga beat na pinapakinggan ko sa internet. Guhitin at mga salasalabit na linyang pahayag na walang patutunguhan gaya nito at ng iba pang nakatago sa baul ng aking kaalamanan. Hanggang sa kaibuturan ng kaluluwa, nakikita ko kung saan ako nagkulang. Dito. Sa pagsulat at pupunan ko ang mga nawawalang taon ng pagtatanong at paghahanap. Dahil ang sagot ay nasa nakaraan ko lang pala. Hindi ko na kailangan pang humarap.

Kaya sa pitik na iyon, bagama’t nanginginig sa ngawit at nagpapawis na sa pagkuha. Nagkaroon din ng kalinawan kahit may kadiliman ang kuha. Masaya ako kahit na hindi pantay ang mga anggulo. Kahit na may kalabuan ang galaw ng braso at kahit na di kaaya-aya ang kuha ng mukha. Naging malinaw ang lahat.

At bago ako umalis sa kinauupuan. Napansin ko ang tubig na ginamit ko panlinis sa salamin. Isang boteng namumunga ng maliliit na butlig ng tubig at dumadausdos pa-ibaba. Muli akong napangiti at umalis sa salamin. Isa akong boteng pinuno ng napakaraming propesyon—pero ang totoo, isa lang akong butlig na handang tumakas sa mga nagkukulong; aagos at maghahanap ng daan para sagutin ang mga tanong sa mundo.