Likha ni Hans Emmanuel Fabroa


Isinulat ni Hans Emmanuel Fabroa


Ang sarap palang mangarap nang gising ano? Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa akin na sa hinaba-haba ng panahon ay nabigyan ako ng pagkakataon na matupad ang isang bagay na hiniling ko noon. Parang mga pisong mga itinapon ko sa balon. Parang talulot ng sampaguita na pinipitas ko tuwing hapon. Parang 11:11 lang na inaabangan ko bago matulog. Parang pagsugal lang sa kawalan na hindi malabong manalo. Sa totoo lang, wala naman akong ginawa para mapadpad dito. Ibinato ko lang nang ibinato lahat sa sapa sa pag-aakalang may mapupulot ako kalaunan. Tinangay na lang ako ng buhawi para ipatong sa pedestal na matagal ko nang tinitingala sa isang iglap na walang iniisip. Kaya alam mo, sa pakiramdam ko, kapalaran lang ang may kakayahang makagawa nito. Hindi ng mga bagay na narating o mga hakbang na ginawa ko, kundi ang lahat ay pagkakaisa ng bawat saknong ng buhay—para iharap sa mga bagay na hindi ko inakalang magkakatotoo.

Tanda ko noong kabataan, ang dami kong gusto. Maraming trip gawin, maraming gustong pangarapin; kahit suntok sa buwan gusto nating angkinin. Gusto nating lumipad, gusto natin ng kapangyarihan. Gusto natin maging mabilis o di kaya maging malakas. Ni hindi nga natin magawang magkaroon man lang ng awra ng katulad kay Goku kapag sumisigaw o di kaya makabuo ng rasengan ni Naruto sa hangin ng pagmamasa. Kasama natin sila pamawing buryo ng pagkakaupo sa bus paluwas. Mainit na kumot pampatulog na parang yakap ng bukas. Mga imaheng namumuhay sa realidad na puno ng kalayaan. Kaya sa dami ng pagkakataon natin noon na lumilipas, nangangarap tayo nang gising. At sa dinami-rami ng hiling, hindi na natin namalayan na umuusad na tayo patungo sa mga ninanais natin. Hanggang sa isang araw, doon na lang natin napagtanto na buong buhay nating pinangarap ang buhay, nakalimutan na natin lasapin ang maliliit na tagumpay ng nakaraan.

Graydskul, fieldtrip. Bilang isang bansot na manghang-mangha sa mundo, likas sa akin ang magkabisa, umintindi, at umunawa. Sa katunayan, parehas pa kami ni mama nagpapabilisan makasagot mula sa mga trivia questions ng tour guide ng bus. Para bang patimpalak na wala namang pa-premyo, at patabaan lang ng utak ang nakataya. At sa bawat tama ay tinatanong ko kung bakit naging ganoon, bakit naging ganyan. Sa bawat mali naman ay pagkasimangot na sana ay maaga naming nasagot. Doon sa paglilibang, napawi ko ang hilo sa sasakyan mula sa hilig ko ng kasaysayan.

Sa isang tiyak na lugar ng ka-Maynilaan, nakarating kami sa mga museo. Nakita ko kung saan nakalibing ang mga bayaning nababasa ko sa libro. Dito ko rin nakita ang ilang mga katutubong gamit, mga damit, kubo, ilang hayop at mga halaman na hango sa mga almanac at kung ano-ano pang babasahin na nakita ko. Mga buhay pero hindi gumagalaw. Naka-taxidermy sila sa kanilang mga kinatatayuan. Naka-anyo sa posturang likas sa kalikasan. Hindi gumagalaw, hindi kumukurap, unang beses ko mamangha sa kung paano nila napamukhang totoo ang mga matagal nang lumisan. Parang totoo ang mga balahibo, nakatindig sa kanilang galit. Parang totoo rin ang mga mata, may pangungusap matagal mong pagtitig. Para silang pinahinto ng oras sa eksaktong sandali para gawing display sa museo at litratuhan ng mga tao. Parang mga display, ako rin ay napahinto. Napaisip habang sumisipsip ng tsokolateng inuming baon. Ang sarap pala mag-aral na may museo sa loob. Tipong papasok ka para hagilapin at hulihin sila na gumagalaw sa gabi. O kaya maghapong makipagtitigan at pisilin ang kanilang mga pisngi. Hindi ko maiwasang buoin ang napakaraming imahe sa kung anong puwedeng mangyari kung walang bantay sa gilid. At hanggang sa pag-uwi, patuloy ko pa ring iniisip, siguro pangarap kong makapasok sa paaralan na may mga ganitong bagay sa'king paningin.

Tumanda ako, nagkauban, nagka-bigote, lumalim ang boses, tumangkad, tumaba, nagkaisip, nagkamuwang pero ang mga imahe ng isip ko, nakatutok pa rin sa lugar na iyon. Ilang taon na lang at magtatapos na ako pero tila nawawala ang pakiramdam na ito sa aking pakilasa. Nang mapadpad ako sa Plaza, sa mga maligagam na bugso ng hangin, tinangay ako ng iilang mga isipin. Natupad ko kaya kung ano ang mga hinihiling ko noon? Naging masaya ba talaga ako sa mga pinasok ko? Napaupo ako sa tabing bangko para halughugin ang bungo sa pag-iisip. Nakatutok ang mga mata ko sa lagusan ng simbahan habang humihinga nang malalim. Napatulala ako, napakamot. 

Heto hag-aaral ng history at biruin mo mas lumalim pa. 

May ilang libo sa bulsa na hindi naman karamihan pero sapat na para punan ang sikmura. 

Nakasakay na rin pala ako ng eroplano, hindi nga lang sa ibang bansa pero malapit na rin diyan! 

Teka ano pa nga ba?

Naging maligaya sa kolehiyo na ibang-iba sa mga sinasabi nila.

Nakakain ng masasarap na pagkain sa Maynila!

At higit sa lahat, huwag ka! Kabisado ko na rin ang bawat kanto ng Maynila!

Teka parang may kulang pa eh.

Oo nga no.

Putek. Andito na pala ako! Bakit ngayon ko lang napagtanto, sa apat na taon kong nasa kolehiyo, bakit ngayon ko inalala na ito na 'yong bagay na matagal kong nang ginusto. Napalagok ako ng tubig sa pagkunot ng kilay. Sa pag-iisip, ito nga pala ‘yong museong napuntahan ko at hindi ko namalayan.  Matagal na pala akong nabubuhay sa mga imaheng nilikha ko noon at hindi ko rin pala nabuo ang kaparangan ng simbahan. Masyado ko sigurong nilustay ang ilang ulit kong pagtawid sa mga imahe kaya’t nalason ako sa pangamba sa panahon. Ang pag-ibig kong makarating dito ay naging normal na lang nang makatungtong ako. Apat na taon kong hindi nadama. At apat na taon ring hindi sumagi sa isip ko na nandirito na nga pala ako. Ang mainit na hangin sa tabi ko ay lumalamig na parang sinasamahan ako ng gabi sa pagkalamlam. Kung kailan ako magtatapos, saka lang kita maiisip. Akala ko, nakakatakot mabuhay nang hindi man lang sila inibig matupad, pero sa sandaling napatigil ako, mas nakakatakot palang hindi makadama sa buhay na matagal mo nang nginangarap.

Ilang ulit ding umikot ang mga kamay sa orasan, napansin ko kung gaano kabagal ang mga kamay nito. Sa kabilang banda, hindi ko napansin ang liwanag na naglalaho sa pagsapit ng gabi. Naligaw na ako sa mga paksa na pinag-pinaguusapan ng aking mga katabi. Nanlagkit ako kasama ng damit. Nakatigil na parang estatuwa sa harap ng simbahan. Ang alam ko lang, umiikot ang oras ng orasan, dumadaan ang mga tao sa harapan. Natapos ako magmuni-muni na may banayad na pakiramdam. Magmula ngayon, gagamitin ko ang oras hindi para lang makaraos kundi para sa pagdama. Para alalahanin ang araw na pinunan ko para pasukin ang gate papuntang Plaza ay gagamitin kong saknong sa bawat imahe kong binuo papuntang museo. Ang mga sandaling pagkatulala, ay parang paghinto ko sa mga hayop. Gusto kong maalala na hindi lang sila ang naka-taxidermy sa panahon na iyon.