Kamay na yata ang pinaka-taong bahagi ng katawan

Kuha ni Hans Emmanuel Fabroa

Isinulat ni Hans Emmanuel Fabroa

Kapag umiibig, naghahanap tayo ng kalinga. Kay dami na rin nating hinanapan ng masasandalan. Para lang sa panandaliang pagtakas, mula sa mga siga-sigalot, buhol-buhol, at patong-patong na pangingilala— pero bakit hanggang ngayon ramdam pa rin natin ang kirot ng pag-iisa. Ang dami na nating nakilala, nakatuwang, at nakasama, sa buong buhay na paglilibot iilan lang ang may pag-alalay. Kahit malungkot, nangangahas pa rin tayo mula sa ilang salya ng daliri sa telepono. Doon kita nakilala.

Kapag umiibig, naghahanap tayo ng kausap. Sa tinagal ng pandemya, kabisado ko na ang mga sulok sa silid, maski ang mga alikabok at agiw sa dingding. Nakakaumay na rin ang makipagharapan sa bahaw magdamag kasama ang matatabang na ulam at biscuit. Gaya ng mga salita, nawawalan na ako ng panlasa mangusap. Kaharap ang lupaypay na kwarto paggising, nagawa nating bilangin ang oras sa'ting isip. At nang matapos nating ubusin ang relo, pakiramdam natin ay isang palamuti na lang sa mundo. Nang makilala ka, hindi na ako mapakali kausap ka kahit sa pagitan lang ng mga lente ng kamera at dutdutang pakikipagtalastasan ng tawanan. Mula pagtulog hanggang paggising, daliri ko ang unang bumabangon para hanapin ang telepono para unahan ka sa pagbati.

Kapag umiibig, naghahanap tayo ng pandama. Ilang buwan na tayong sabik makalabas. Ang totoo niyan ay makunat na ang mga tsinelas nating nababad nang husto sa gitna ng initan. Gaya ng mga halaman sa tabing-kalsada, tuyot na tayo sa lagim ng ulan at haplos ng hardinerong nag-aalala sa kanila. Parang mga kalye na walang sasakyan. Parang mga palengke na walang suki at nagbebenta. Parang mga sementeryo na walang bumibisita at nangangalala. Parang mga mall na walang lamig at naggagala. Ang daming kakaiba at bago sa ating pandama. Paghawak natin ay sinusunod sa ilang metro't dangkal. Hindi natin mahagkan ang sarili sa salamin—sa takot na baka hindi na natin sila kilala. Nakalabas ako ng pinto at para akong nawala. Hinanap ko ang daan sa ilang pindot ng mapa sa telepono at hindi ko inaakalang makararating ako sa iyo. Kaladkad ang paa, dala ang hilig mong sansrival, tagaktak ang pawis sa aking mukha at mas lalong namamasa ang mga palad. Nakita kita at nakita mo ako. Inalalay ko ang dalang pagkain para magdikit sa ilang piraso ng daliri mo. Niyakap mo ako at ako ‘tong nag-alinlangan. Hindi na ako sanay sa hawak. Pero ang haplos ng balat mo mula sa bulak na damit kong suot. Tumagos ka sa buto at naantig mo ang aking puso.

Kapag umiibig, naghahanap tayo ng kasama. Dumagsa na ang mga tao sa mga lugar na hindi natin inaakala. Sa lansangan, parke, at bangketa. Sa mga nagtutulak ng kariton, nagluluto ng kikiam at fishball sa kalsada. Sa mga labahan, na napunan muli ng mga tubal. Ang mga computer shop na nawala dahil ilang buwan na kinasawaan. Dumalas tayong magkita dahil sawa na tayo sa litrato at video call. Nagtatagpo tayo sa kanto, papunta sa mga lugar na hindi planado at hindi alam. Sa mga lugar na 'yon dumarami na ang nakakasalubong. Ayokong maiwan at mapag-iwanan. Nanghihingi ako ng kasiguraduhan na hindi binabanggit ng mga salita. Nakakatakot na pala panghawakan ang mga bagay lalong-lalo na sa hinaharap. Pero hindi natatakot ang mga kamay kong parati kang hinahanap. Isang beses nagkahiwalay tayo, natabig ang mga kamay natin sa nag-uunahang pagpasok. Hindi kita malingon at baka ako mabunggo. Hindi ako makatigil sa patuloy na pag-usad ng mga tao. Pero hindi natakot ang mga braso kong luminga sa gilid para sipatin; ang bawat bangin sa pagitan ng mga balikat para suyuin ang nakabitin. Kilala ka nito na parang may karakter ang mga gaspang, guhit, at lambot. Ang lapad, liit, at kurba ng bawat daliri mong naiwan sa ere ay sasaluhin ko sa pagkakahulog. Kabisado nito na tugma ang ating mga kamay kapag nagsambot para magsama. Kaya nga nagawa kitang hagilapin—bago ng aking mga mata. Nakakapit sa dulong kuko, kumapit sa hinliliit. Nagawa kong tumigil para hawakan ka nang mahigpit hanggang sa maging buo. Kinalso ko ang mga daliri at inilapat sa hinlalaki. Magkasama tayong pumasok. Magkasama tayong lumabas.

Kapag umiibig, naghahanap tayo ng pagnanasa. Hindi na sapat ang mga salita kung hindi na tayo madama. Sa bawat init, darating ang bawat lamig. Nang minsa'y uminit sa Mayo, ay 'sing lamig din ng pasko. Sunod-sunod tayong sumugal at nanalo. Ilang araw, minsan natatalo. Ilang araw, minsan magulo. Nakikita ko na minsan ang sarili na baka dumating ang panahon, na hindi na natin magawang kumabig at tuluyan nang lumayo. Kaso ayaw kang pakawalan ng mga bisig ko. Ayaw mo ring bumitaw sa sarap ng pagkakayakap ko. Ayaw na nating lumayo para mangilala ulit. Ayaw na natin maging matalino para mag-aral sa mga daliri. Gusto na natin dito, tahanan sa maigting na pagsasampiga ng mga braso. Nakadikit, nakakandado. Sa minsang pagluwag ay nagkukumahog na humahabol. Ang pagnanasa natin umabot sa ilalim ng mga kumot. Mga panaginip na nag-iiwan ng marka. Mga sandaling iniisip na kung sana nandito ka. Dahil sa kung minsang hindi kita makasama, nangungulila ang mga ito na sumisikil sa makakapal kong taba. Ang lamig ng panahon o sa init na singaw ng lupa, ramdam ng baywang ko ang yapos ng mga daliri mong nakasandal dito. Humihigpit sa bawat paghinto sa mga tawiran, gumagaan sa mga bangketa kung saan ligtas ka. Kaya nang hagudin ko ang sarili, naramdaman ko ang kiliting ipinadama mo sa mga parteng sinabi ko na hindi ako matatawa. Laking tuwa ko na kahit sa sapin-sapin na kapal at namimilog kong katawan ay ikaw lang ang nakahanap sa mga maliligayang parte ng aking katawan. Sa pagsusuot ko muli ng damit, naalala ko ang mga pisil mo at napangiti. Tinanggap mo ako nang higit sa sarili ko. 


Kapag umiibig, naghahanap tayo ng nagtatagal. Nagdaan ang mga taon, ang daming nawala: mga kaibigang napalayo, mga kamag-anak na sumakabilang-mundo. Taon-taon tayong hinusay ng pagtanda, pilit nililingon ang alaala ng mga sandaling pagkakakulong. Mga araw na binuo sa ilang palitan ng pangungusap at mga bulong. Sa gitna ng gabi, ilaw na lang natin ang dinadalaw ng mga gamugamo. Patuloy pa rin ang pagkikita natin mula sa repleksiyon ng mga ilaw. Patuloy pa rin sumasayaw ang mga daliri sa pagpindot ng mga letra. Patuloy pa ring magkasama ang mga bisig sa panandaliang pagtakas sa mga pangingilala. Dama pa rin natin ang kirot ng pag-iisa; pero mas dama ko ang ginhawa na sinasalubong ang buhay magkasama. Dahil kung minsan hindi ko na madama, ang isip sa sarili sa kinabukasan, dampi lang ng iyong balat ang kailangan para bumalik ako sa katinuan. Hindi ko na kailangan magsalita, dahil mas higit ang haplos ng kamay kaysa sa mga salita. Hanggang ngayon ay hindi ko na iniisip ang mailalaman dahil mga daliri na ang siyang nagdidikta. Kung makikita kita ulit, mas masasabik itong umuna kaysa sa mga paa. Kaya kung tatanungin ako kung sino ang pinakamarunong magmahal, walang duda kong isisigaw ang mga kamay na walang sawa sayong nakahawak.

Kung magkakaroon man ako ng apat na kamay, lalayo ito sa akin at pupunta patungo sa iyo. Kung mabibigyan ako ng ilan pang mga daliri, gagapang ito para halikan ang mga daliri't kiliti mo. Kung mawawala ang mga ito sa akin, mahal, paano na ako. Kung ipagkakait ito sa akin ng Panginoon, kamumuhian ko siya hanggang sa kaibuturan ng impyerno. Kaya mahal, huwag ka sanang bumitaw sa mga kamay ko—dahil hindi ko na alam kung anong kapares ang para rito.