Yapak | Isinulat ni CK Pagatpatan
Yapak
Sanaysay | Isinulat ni CK Pagatpatan
"Malayo pa ako, pero malayo na ako."
Sa tuwing naghaharap kami sa aking kwarto, ito ang kanyang sinasambit na kataga tuwing naaalala niya ang kanyang mga pinagdaanan. Habang nag-iisip ako ng magandang paksa para isulat ang sanaysay na ito, Gumawa ako ng paraan upang pagmasdan siya at pakiramdaman ang kanyang nais sabihin na hindi niya masabi sa iba. Nakapag desisyon ako na siya ang paksa ng aking isusulat.
Kaming dalawa lang ang nasa kwartong iyon, tinititigan ko ang mga nangungusap niyang mata na hindi kailanman masambit ng kanyang mga labi.
Habang kami ay nakaupo sa sahig ay napakwento siya tungkol sa isang pangyayari na bumago sa kanyang pananaw. Tungkol sa isang lugar kung saan siya nabigyan ng pagkakataon na pagmasdan ang mga yapak ng kanyang mga paa habang siya ay naglalakad at ito ay ang dalampasigan.
Isang umaga naisipan niyang maglakad sa dalampasigan, ginawa niya ito upang makapag isip at makapag laan ng oras para sa sarili. Habang siya ay naglalakad napansin niyang bumabakat ang kanyang mga paa sa buhangin, palatandaan na dinaanan niya ang lugar na iyon at maaari niyang gamitin bilang palatandaan pabalik.
Sa haba ng kanyang nilakad ay nakarating na siya sa iba't ibang lugar—lugar sa dalampasigan kung saan payak, mabato, at maalon. At sa kanyang paglalakad napagtanto niya ang isang bagay: Maihahalintulad niya ang mga lugar na kanyang nadaan sa mga pinagdaanan niya sa kanyang buhay. May mga payak na lugar para sa buhay niyang simple at komportable;mabatong lugar kung saan maihahalintulad niya sa mga panahong hindi gaanong mabuti ang kanyang mga pinagdaanan at mga lugar na maalon katulad sa mga panahong unos at nasa bingit siya ng kadiliman.
Kwinento niya sa akin kung paano niya naalala ang mga ito sa kanyang mga pinagdaanan, batid din niya ang mga yapak na makikita sa buhangin bilang palatandaan na ito ay kanyang pinagdaanan na.
Sa dami ng kanyang mga pinagdaanan, nakikita ko sa kanyang mga mata na handa na siyang lakbayin ang mas malalakas na alon at pagsubok sa buhay. Saksi ang mga yapak sa buhangin ng kanyang pagsisikap upang maabot ang dulo ng kanyang mga inaasam. Ito’y mga yapak na nagsisilbing palatandaan ng kanyang pagpupursigi sa buhay at mga alaala na maari niyang balikan kung kinakailangan.
Sa kanyang mga kwento, hindi na namin napigilang umiyak habang kami ay nagtititigan sa loob ng kwarto. Pero nararamdaman kong siya’y masaya dahil meron siyang kaibigan na handang makinig sa kanyang kwento. Ang kwentong kanyang binahagi ay kung saan siya ay malayo pa sa kanyang tunguhin pero malayo na ang kanyang mga narating. Ako ay kumapit sa kayang mga balikat at nasambit ang mga katagang "Huwag kang mag alala, karamay mo ako sa bawat pagsubok at hinding-hindi kita iiwan hanggang sa makamit natin ang liwanag sa dilim," habang itinuturo ko sa salamin ang aking repleksyon.
Malayo ka pa, pero malayo ka na. Patuloy kang maniwala sa kakayahan mong gawin ang lahat basta't ika'y patuloy na manalig sa iyong sarili at gagawin ang nararapat.
CK Pagatpatan is a First Year Asian Studies Student from the University of Santo Tomas - Faculty of Arts and Letters.
Pinagmulan ng larawan: https://www.freepik.com/free-photo/beautiful-view-footsteps-beach-sand-near-shore-with-rocks-background_10834962.htm